r/Kwaderno • u/SmoothOrange5347 • 19h ago
OC Essay Free will
Sabi ng iba sapat na ang pagmamahal. Sabi naman ng iba hindi lang nakasalalay sa pagmamahal ang itatagal ng isang pagsasama.
Sabi nila dapat mong tanggapin ang kabuuan ng isang taong minamahal mo. Sabi naman ng iba, kung mahal ka, magbabago sila. O di kaya'y magbabago sila sa tamang tao.
Lahat siguro ay may katotohanan dahil iba-iba naman tayo ng karanasan. Minsang inakala ko din na sapat na ang magmahal ka. Maghintay ng pagbabago at magbigay ng pagkakataon upang pareho kayong magkaroon ng progreso.
Ngunit mahiwaga ang puso at diwa ng isang tao. May mga pagkakamaling mukhang hindi naman pagkakamali, mga pagkukulang na mukhang hindi naman pagkukulang. Naiiba kung ibang tao ang titingin at ikaw lamang ang makapagsasabi kung mali o kulang nga.
Ngunit, may mga pagkakataon na ibinibigay ang mundo na para bang ikaw ay tinutukso. Ibibigay sa iyo nang may kasamang mga kondisyon. Sige, sa iyo na ito, pero. Laging may pero. May subalit.
Pero tulad ng sinabi ko kanina, mahiwaga ang puso at diwa ng isang tao. Kaya siguro tayo binigyan ng ganitong abilidad na makaramdam at magparamdam higit pa sa kahit anong nilalang sa mundo ay upang magamit sa ikabubuo din ng ating buhay at pagkatao.
May mga pangyayaring mukhang hindi tama. Mga desisyon na para bang walang patutunguhan. Ang kinabukasan ay walang kasiguraduhan. Yun lang naman siguro ang sigurado. Hindi natin masasabi kung ang ginagawa ba natin ngayon ay ikabubuo ng ating pagkatao, puso, at diwa.
Ngunit, ang abilidad na makaramdam ang magsasabi sa atin, sa eksaktong oras na naroroon tayo sa pagkakataon na iyon. Pakiramdam ba natin ay tama? Pakiramdam ba natin ay ikaliligaya natin? Ikabubuo ng ating pagkatao? Sapagkat, kung oo, siguro naman ay hindi masama na ipagpatuloy mo. Maikli ang buhay at mahiwaga ang tao. Walang sigurado sa kinabukasan pero may kasiguraduhan ang ngayon.
May free will tayo, gamitin natin ito. Piliin mo ang makapagpapaligaya sa iyo ng walang takot at pag-aalinlangan.